Back To News

Bayanihan muling ipinakita sa mga stranded OFWs sa Jeddah

By: Ronaldo Z. Concha, GMA News Online



http://www.gmanews.tv/story/212519/bayanihan-muling-ipinakita-sa-mga-stranded-ofws-sa-jeddah

Sa oras ng kagipitan ay muling nabuhay ang bayanihan sa mga Filipino sa pagtulong sa mga stranded na overseas Filipino workers na makatira sa ginawa nilang mga barong-barong sa gilid ng Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, Saudi Arabia.

Bayanihan sa Jeddah - Larawan ni Reymon Martinez
Mula nang "itaboy" sa gilid ng konsulado ang mga runaway OFWs, na galing sa ilalim ng tulay ng Khandara nito lamang katapusan ng Enero, kaagad nang bumuhos ang tulong sa kanila.

Kabilang sa mga nagkaloob ng tulong ay ang grupo ng Guardians (1 GANAP Guardians-Arabian Scorpions Chapter) at GBI-Jeddah Chapter (Dong Decena Group). Nagdala sila ng mga pagkain at masisilungan ng mga stranded na Pinoys na umaabot na ang bilang sa mahigit sa 100.

Bukod sa Guardians, ilan pa sa mga aktibong grupo na nagbigay ng tulong sa mga stranded Pinoys ay ang Samahang Ilokano, ang Create Business Group, Overseas Filipino Workers Cooperative Council, Transport Cooperative, Sarawat Boys, mga Pinoy medical workers ng King Abd Aziz University Hospital, ang Bawadi group, at mga indibidwal na Pilipino.

Nag-fund raising din ang Worldwide Filipino Alliance sa kanilang mga miyembro para makalikom ng halaga na maibibigay sa mga kababayang naninirahan sa gilid ng konsulado.

Ayon kay Jauhari Usman, lider ng isang Filipino community na tumutulong sa mga nagigipit na OFWs, nakakataba umano ng puso na makita ang iba’t ibang organisasyon na bukal sa loob ang pagtulong sa kababayan.

“Iba talaga ang Pinoy pagdating sa kawanggawa, daig pa ang maagap." pahayag pa niya.

Nagpapasalamat naman ang mga opisyal ng konsulado sa magandang kaugalian na ipinamamalas ng iba’t ibang grupo ng mga Pilipino.

Sinabi ni Consul Leo Tito Ausan na ang pagdamay sa mga kababayang nangangailangan ay likas na talaga sa mga Pilipino.

Bukod sa mga kababayan, ay may ibang lahi din ang nagbigay ng tulong sa mga stranded na mga stranded Pinoys. Nahahabag ang mga dayuhan sa kalagayan ng mga Pilipino sa gilid ng konsulado lalo na para sa mga bata.

Umaasa si Jamman Al Zahrani, Saudi national at general manager ng Fruits in Ice Cream, na magkakaroon ng solusyon ang problema ng mga Pinoy sa lalong madaling panahon para makauwi na ang mga ito sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Arceli Lazaro, ng Bawadi group, na hindi niya kayang tiisin ang mga kababayan na nangangailangan ng tulong lalo na ang mga bata na walang malay sa problemang kinakaharap nila.

Nanawagan siya sa pamahalaan na hanapan ng permanenteng solusyon ang mga problemang kinakaharap ng mga OFWs, at dapat daw itong simulan sa Pilipinas.

Comments


No found comment be the first one to have a say about this

Members Login





Forgot Password?

Advertisement