Back to Article listingLumuluhang BangkayBy:Dan JimenezLUMULUHANG BANGKAY Unang yugto Taong 1896… Nagbabaga ang araro, ginagawang tabak Tinutunaw ang medalyong krus upang maging tingga ng pagngangalit Mabangis ang kalabaw-tamaraw ang ipinangalan Sinambit ang pangalan ni Huwan ng lahing kayumanggi ng walang bahid kabanalan ng huwad na mananakop Nagdugo ang bughaw na langit Ang pira-pirasong rosaryo ng Pilipinas ay naghugis tabak Pinutol ng sungad na lahi ang matatangos na ilong ng mga puti Dinilig ng dugo ang tigang na lupa Nabuwal si Huwan… tinabunan ng bato… Nagpatuloy ang pagsikat ng duguang araw Isa…dalawa…tatlo… Maraming dahon ang nalanta ng duguang araw Hanggang nabali ang tagdan ng bandilang kongkistador Sumikat na muli ang ginintuang hari Tumilaok ang tandang ni Huwan Huwan…Huwan…Huwan… Nasaan ka Huwan? Taong 1899 Pinalitan ang krus ng blue seal at demokrasya Nabigkis ang butuhang kamay ng pango sa dalang bala at kanyon ng puting may batik-batik sa mukha Yumuko ang araw sa bituin Si Huwang katatakas pa lang sa isang linta ay hinuthot na naman ng buteteteng may batik-batik sa mukha Nagdilim ang paningin ni Huwan Ginagap ang tabak ngunit bago pa lamang iunday ay naglagos na ang tingga sa kanyang utak Inilibing si Huwan Sinimento pa mandin ang kaniyang hukay Upang hindi na makatakas kung sakaling mabuhay man. Nagpasasa ang butete Hinigop ang lahat ng dugong nalalabi Ang anino ng matangkad na lalaking may mahabang balbas at sombrerong hugis bala ay nagpadilim sa gutay-gutay na pula-bughaw-puti. Sumisinghap-singhap si Sisang nalulunod Huwan…Huwan…Huwan… Sagipin mo si Sisa Nasaan ka Huwan? Taong 1942 Napagod ang butete Nagpahinga habang hinihintay na tumaba uli si Huwan Ngunit dumating si sakang Nagrambulan si butete at si sakang Nasa gitna si Huwan Kawawang Huwan, natadtad ng bala gayong walang kalaban Napagod si butete at si sakang. Iniwang sawimpalad si Huwan Inilibing na may bantayog ng kaniyang katapangan Ngunit walang yaman, walang kinabukasan Punit punit ang bandila mo, Huwan. Ang isang tala’y pinasabog ng kanyon habang ang araw ay inilibing ng walang kabaong Huwan…Huwan…Huwan… Tahiin mo ang iyong bandila Nasaan ka Huwan? Taong 1972 Ang lupa’y niyayanig ng lindol Ang daop palad na mga kamay ng kabataan ay pinakuyom ng nagbabagang armalayt Isinisibat ang kabutihan sa kawalan ng pag-asa Ang walang malay na sanggol ay pinasabugan ng granada Nandirito pa rin si butete sumisipsip pa rin ng dugo ni Huwan Gumagamit ng straw na gawa sa Forbes Park para hindi mahalata Matalino ang kabataan Pinuputol ang straw ng karet ng katarungan Ngunit ang mga buwaya sa katihan ay nakatanod May kasama pang tulisan at mamatay tao Binaliktad ang bandila ni Huwan Itinaas ang pula Nagalit ang buwaya Pinilantik ng buntot ang kabataan at ikinulong sa Crame Lumubha ang alitan ng Kristiyano at Muslim Pinagpapatay ang mga tao dahil sa salapi Ang halaga ng buhay ay nasa isang butil ng mais Lumuluha si Huwan Patuloy ang Bagong Hukbo ng Bayan Dumadagundong ang kulog ng nagbabantang himagsikan Walang trabaho si Huwan. Gutom sila Totoy Komunista daw ang kumalaban sa mga buwaya Nagpuputulan ng daliri ang magkakapatid Ilang pango sa itaas ay nagpipilit na magpatangos ng ilong samantalang patuloy na sinusungad ang maraming pango Napipinto na namang mawasak ang tagpi-tagping bandila Umiiyak ang sanggol na nababalot ng dugo Said na ang dibdib ng kaniyang ina Patuloy ang luha si Huwan Isinukbit ang araro patungo sa bukid Ngunit ang bukid pala’y kinamkam na ng buwaya Itinapon ang araro, pinatay ang kalabaw Kinuha ang tabak, tutungo sa kabundukan Lalaban ka Huwan? Huwan…Huwan…Huwan… Nasaan ka Huwan? Ikalawang Yugto Taong 1986 Botohan na naman Si biyuda laban kay tanda Nagdayaan magkabila Sabi ni biyuda: Panalo ako Sabi ni Tanda: Lelong mo. Ano ka siniswerti? Naggirian ang mga manok Magsasabong sana Ngunit mas masaya ang piyesta sa EDSA. Inilipad ni butete si Tanda Iwinagayway ni Biyuda ang bandilang dilaw Laban tayo sabi ng biyuda Laban tayo sabi ng masa Laban tayo sabi ni kardinal, gayon din si Donya. Huwan…Huwan…Huwan… Laban ka rin ba? Pilit na ngiti ng mga bulok na ipin ang tahimik na sagot Patawirin na ang buto’t balat na paslit Sa malayo, naririnig ang kulo ng walang lamang tiyan Samantalang sa dilim ay nagkakanlong ang mga gutom na daga. Taong 2000 May bakbakan na naman sa Mindanao Patayan dito, patayan doon Bomba ng Abusayaf, bomba ng Boncayao Ano ang gagawin mahal na Pangulo Tanong ni Huwan na takot na takot Huwag mabahala, sagot na matigas Kapag bumanat si Asiong, lahat dadapa Mga kontrabida kangkungan ang mapapala! Sige tagay pa, kaya natin ito Tawagin si Laarni, pagsayawin ng hubad Kakanta ako, in English-Que Horror, Que Barbaridad! Huwan…Huwan…Huwan… Ano ang gagawin, saan ka paroroon? Ang bandila’y hinahati, ang pamahalaan ay lasing Humalakhak ka man ay masakit pa rin Nasaan ka Huwan? Nag-Overseas Foreign Worker, Erap Wala na akong pakialam. Ikatlong Yugto Taong 2001 Sumobra ang tagay ng Johnny Walker Blue Talo pa sa madyong kay Atong Jueteng kay Chavit ngunit bumaliktad pala Sa senado, sobre ni Velarde tinutulan buksan Oreta at Honasan nagdisco ng biglaan Akala ayos na, tuloy ang ligaya Kinabukasan, nagisnan ang isa pang EDSA Tumakbo sa Tanay, magmumukmok sana Ngunit may litson, pulutan at alak pa Bantay sarado ni Loi, wala ng Laarni Pinatawag si Huwan Patawad bayan sabi ni Erap na lumuluha Pang Famas Best actor, eka nga Tutuo sa loob o pagkukunwari lamang? Huwan…Huwan…Huwan… Anong drama ito sa iyong palagay? Bingi na sa hinaing, manhid na sa alulong Pamahalaang walang silbi’y dapat ng ibaon Si Huwan ay umiling, ngiti ay nabitin, uhog ay dumaloy Wala pa ring pag-asa ang bangkay na nakaburol. Taong 2004 Sinabi niya, hindi daw siya tatakbo Lelong mong panot, tatay mong kalbo Maniwala ka ‘dyan, ano ako hilo? Halalan dumating, GMA pasimuno. sabi ng media, panday laban kay pandak FPJ tinanong sumagot pupugakpugak Tawa si GMA, siya ang may utak Panday ay di natinag, artista siyang pinakasikat! GMA nagpanic, baka masulot Hello Garci pinilit kahit na baluktot Nanalo sa halalan, lumabas naman ang pagkabulok Sori na lang Huwan, sa amoy na kay bantot. Huwan…Huwan…Huwan… Bayang sinilangan wala ng dangal Mantsa ng pandaraya, buong mundo nagtawanan Ipikit ang mata, mga tenga’y takpan Lahat ay lilipas, lahat ay may katapusan. Taong 2008 Sabi ni Santiago, sayang ang panahon Sa laban ng mga ganid at mga sakim na kampon Lahat ay timawa, hindi makuntento sa nilalamon Labo-labo sa Kongreso, dahil sa tong na bilyon-bilyon. Sa zarzuelang katawatawa maraming umiiyak Si Lozadang probinsyano, si Nering badaf Si GMA at FG, mga greedy plus plus Si Abalos na nagresign, si JDVing pinalayas. Bayang magiliw pinagbili na kaya sa dayuhang intsik, timawang mandaraya Papaano ang bukas ng kawawang mga bata Sa dilim ipinanganak, mamamatay ng abang-aba. Huwan…Huwan…Huwan… Kailangan ka ngayon ng bayang nakasadlak lugong-lugo ang nakaraan, hinaharap ay burak sagutin ang panaghoy ng mga taong naghihirap Nasaan ka Huwan, bangkay ng aming pangarap! Huli na ang damo sa kabayong patay Ulan man ay bumaha sa lupang tigang Luhaang Bangkay di na mabubuhay Lupang hinirang, sinawi ng kapalaran. Tayo na, tayo na sa duyan ng pighati Mapait na apdo, sugat na kay hapdi Bangon at maghimagsik, bayang api Ang pumatay ng dahil sa iyo, aliping lahi! Tahimik na ang dagat sa perlas ng silanganan Simoy ay kay lamya sa bundok at kaparangan Bagyo ng kahapon, lumipas na at naparam Silahis ng araw, biyayang walang hanggan. Ito ang panaginip na sana’y magkatotoo Para sa mga batang magiging Pilipino Huwag talikdan Kayumangging ninuno Kalayaan ang buhay, kadakilaa’y nasa dugo! (itutuloy?) (viernes santo, 2008) dan,mel&jim "The greatest failure is that never attempted." C-3609 `77 Bravo http://danmeljim.wordpress.com |
Advertisement |